The Story of Sandy

 



Dear Kuya Bono,

          Matagal ko nang alam na may trust issues ako. High School pa lang ako noong ikintal ko sa utak ko na, napakaraming tao sa mundo at napakamalas ko lang talaga kung sa dami ng pagpiplian ko ay maling tao pa rin ang makukuha ko.

>>> 

          Kaya lang, noong High School ko rin na-realize na, kahit ang daming tao mong nakikita at nakakasalamuha araw-araw, kung takot kang magtiwala...mararamdaman mo pa rin na nag-iisa ka kasi, yung takot mo ang pipigil sayo para ipakita ang totoong ikaw, magkuwento ng totoong saloobin mo, gumalaw ng walang kinatatakutang pintas mula sa ibang tao.

Sa madaling salita, physically may kasama nga ako, may mga kaibigan ako pero deep inside me, I was all alone.

>>> 

          Galing ako sa pamilyang masasabing may kaya pero nababalot din ng madilim na sikreto ang dahilan kung bakit, hiwalay ang mga magulang ko.

          By the way, our Mom is Filipina at si Daddy ay Iranian.

>>> 

          Lumaki kami ng mga kapatid ko na akala namin ay perfect ang relasyon ng Mommy at Daddy namin pero hindi pala. Hindi namin naranasang marinig na nagsisigawan ang mga magulang namin, mas lalo namang hindi namin nakita na nagsasakitan sila.

          Tatlo kaming magkakapatid sa ina, panganay si Ate Sheila, iba ang Tatay niya. College jowa ni Mommy na hindi niya nakatuluyan. Kami ng bunsong si Amir ang tunay na magkapatid sa aming Tatay na Iranian. International Student siya na nainlove kay Mommy at nakasal sila pero, hindi kami naging Muslim...at hindi rin naman kasi halatang Iranian surname ang apelido namin ni Amir na, Naura. Hindi rin Halal foods ang kinakain namin pero si Daddy noon pa lang mga bata kami ay napapansin kong, madalang namin siyang makasalo sa pagkain.

          At sa mga documents like mga form sa school na nanghihingi ng religion, sinusulat kong Christian ako although, hindi rin naman kami nagsisimba.

          Yes, religion wasn’t a part of life naming mag-iina. Pati si Ate Shiela who goes to Simbang Gabi pero, alam kong dahil lang sa mga friends niya at sa kung ano mang gimik nila.

>>> 

          Grade 6 ako noong madaling araw or gabi na pumasok si Daddy sa kuwarto ko. Namalayan kong hinagkan niya ako sa magkabilang pisngi ko then sa noo at bumulong ng ‘I Love You Sandy...”

          Hindi ko lang minulat ang mga mata ko noon, hindi rin ako sumagot o kumilos kasi, antok ang diwa ako. Kinaumagahan, normal lang kami. Nag-almusal at nagmadaling pumasok sa school, then after a whole day sa school umuwi ng bahay and as I walked to my room narinig kong umiiyak si Amir sa kuwarto niya kaya sinilip ko. Nakahiga, nakatalukbong. Amir was in 4th grade back then.

          “Amir, are you OK? Bakit ka umiiyak?” tanong ko. Ibinaba niya ang kumot sa tapat ng mukha niya. Nangingintab sa luha ang pisngi niya. Umiiyak pa ring sumagot sa akin ng;

          “Wala na pala si Daddy. Alam mo ba yun? Naghiwalay na sila ni Mommy?”

PLAY>S1

DKB-2

          Kaga-graduate ko ng High School when I was 16 years old  noong makaranas ako ng buhay sa baryo na, parang lahat ng tao ay magkakakilala at magkakaibigan at ang bawat pamilya ay sobrang attached sa isa’t-isa.

          Oo, nakita ko at napansin ko ang mga tao noon kahit na napilitan lang akong sumama kasi wala akong kasamang maiiwan sa bahay.

          Yung bahay na tinutukoy ko, bahay kung saan kami lumaki ng mga kapatid ko ay Condominium sa Eastwood, Quezon City.

          Noong Grade 3 ako, lumipat kami from 13th floor pababa sa 8th floor kasi dati, 2 bedroom lang yung unit namin. Kaming magkakapatid noon ay magkakasama sa iisang kuwarto at sina Mommy at Daddy naman sa kabilang kuwarto.

          Lumipat kami sa 8th floor kung saan may anim na kuwarto pero yung master bedroom lang ang malaki, all the other 5 rooms ay maliliit na like, 8 by 10 feet...pero at least, kaniya-kaniya na kami ng kuwarto at may guest room at maid’s room pa.

          Noon, akala ko, mas makabubuti yun pero, parang nagkaroon ng pader sa pagitan namin ng mga kapatid ko. We started to be obsessed about our privacy and sense of belongings, we learned how to be possessive or selfish kasi, we don’t share things anymore. Ang sayo, sayo ang akin, akin.

          At sa condo, hindi nagagamit ang salitang kapitbahay kasi, they don’t exist. May mga residente sa ibang units sa bawat floor pero they don’t talk to you at kung ikaw naman ang kakausap, sasagot man pero parang napipilitan lang at masyadong halata na wala silang interes na makilala ka.

          Nasanay ako sa ganong pakita ng mga tao. I get to see videos of foreigners talking about their experiences sa Filipino kindess and hospitality pero what I see in the videos are people in the provinces, may dagat, may gubat, ilog, bukid...and they, the people are smiling at laughing.

Pero sa lugar kung saan ako nakatira noon, walang ganon dahil ang taong madalas kong makita, nakakasalubong sa lobby, nakakasabay sa elevator ay mga taong walang pake sa kapuwa. Sometimes, you get to rub shoulders with them sa elevator pero pakiramdam nila wala silang kasama kasi for them, you don’t exist.

PLAY>S2

DKB-3

          Yung baryo life experience ko when I was 16 ay nangyari sa Camarines Norte, in a small town called Santa Elena. Tagaroon si Tito Manuel na, pangatlong nakasama ni Mommy. Unang asawa niya si Daddy na umalis noong Grade 6 ako. Kasal sila.

          Umalis si Daddy, walang paliwanag si Mommy kung bakit kaya nagtanim kaming magkakapatid ng galit sa kaniya. We hated her for that, lalo na ako kasi she knows me for beign a Daddy’s Girl. Alam ko, naging masamang anak ako noon kasi, dumating ako sa puntong sinisigawan ko si Mommy habang umiiyak ako, asking her explanation kung bakit iniwan kami ni Daddy, but she won’t talk. Ang sabi lang;

          “Hindi niyo maiintindihan. Someday, you’ll know, someday you’ll understand”

          Nagtanim kami ng galit sa Mommy namin, ako at si Amir pero si Ate Sheila natural ay hindi apektado kasi nga, hindi naman niya Tatay ang Tatay namin ni Amir. Normal lang ang buhay ni Ate noon, she’s the normal kind of Manila Girl na mahilig sa mga Fancy things at mga gimiks.

          Si Amir, alam kong kakampi ko siya, pareho kami ng sentimiento pero nagbago ang ugali niya iniwan kami ni Daddy. Naging secluded si Amir kapag nasa bahay siya. Halos wala siyang kainakausap, maging si Mommy kinatatamaran niyang kausapin. Lagi ding naka-lock ang pinto ng kuwarto niya kahit nasa loob siya at kapag kinatok mo, siguraduhin mo lang na importante ng sasabihin mo or else, babagsakan ka niya ng pinto.

          Naging engrossed si Amir sa computer niya, pero may mga kaibigan siya at masaya siya kapag kasama niya ang mga friends niya.

          Ako, noong HS, maraming akong nakakasama at wala akong kaaway pero isa lang ang tinuring kong kaibigan ngunit hindi bestfriend. Siya si Aliya. Siya anak ng isang matinong pulis. Kasama ko lagi si Aliyah, seatmate ko sa classroom pero, pero hindi ko siya maituring-turing na bestfriend dahil, diba, ang bestfriend nasasabi mo lahat, lahat ng bagay ng tungkol sayo, even your secrets. Kay Aliyah, maging kahit kanino ay may isang bagay sa akin na hindi ko ipinaalam noon. Kinimkim ko sa loob ko, sinekreto ko dahil ayokong makakuha ng negatibong atensiyon.

          I was 13, namolestiya ako ng taong akala ko, anak ang turing sa akin. Siya si Tito Ranil, pangalawang lalaking nakasama ni Mama.

>>> 

          Hindi ako na-rape, salamat hindi. Pero nahalikan niya ako sa lips, nayakap at nahawakan niya ang private part ko.

>>> 

          Nagulat ako noon, kahit trese lang ako noon I felt na mali yun. Naitulak ko siya at since then, iniwasan ko na kahit nasa iisang condo kami kasi kasama namin siya. When he tried to talk to me, apologetically, nabantaan ko siya.

          “Don’t get near me again or else, isusumbong kita....”

          “Kanino, sa Mommy mo?” Nakangisi pang sagot niya but I said;

          “No. Hindi kay Mommy, sa pulis!”

          >>>

          “Sandy, hindi ko sinasadya yun. Mali ang interpretasyon mo dun. Asawa ko ang Mommy mo paanong ganiyan ang andar ng utak mo? Dati naman na akong malambing sa inyo ah...” All-emote niyang paliwanag saka lumapit sa akin pero tumakbo ako papasok sa kuwarto ko.

PLAY>S3

DKB-4

          That time that I was 13 ay secretly inlove ako kay Paul na classmate ko. Close kami pero, hind niya alam na crush ko siya. Ang cute niya, lalo ng lips niya pero, namatay yung pagka-crush ko sa kaniya kasi, after ng ginawa sa akin ni Tito Ranil, pakiramdam ko ang dumi-dumi ko na.

          Dati, kapag nakakapanood akong kissing scene sa TV, parang kinikilig ako kasi, iniimagine ko na si Paul ang unang makakahalik sa akin pero hindi, dahil, nahalikan na akong demonyong nagkunwaring mabait.

>>> 

          May mga times noon na umiiyak ko kasi, pakiramdam ko talaga nababoy na ako. Unfortunately, wala akong mapagsumbungan. Not even Aliyah na tinuring kong kaibigan.

          Pero totoo ang banta ko kay Tito Ranil noon na kapag inulit niya ang ginawa niya, isusumbong ko siya kay Tito France, yung pulis na Daddy ni Aliyah.

          At yun nga. Dahil sa pangit na experience ko na tinago ko lang, nawalan ako ng ganang magka-crush at mag-fantasize na dati ay mahilig kong gawin. Iniisip ko kasi, what if malaman ng magiging boyfriend ko na may ganon akong experience? Anong magiging reaction niya? Then tatanungin ako, bakit hindi ako nagsumbong? And worse, baka hindi pa siya maniwala na ganon lang ang nangyari, baka isipin pa niyang dahil magkasama kami sa iisang bahay ng demonyong iyon ay may iba pang mas malaswang nangyari.

          Kaya nga sabi ko, isinikreto ko na lang kasi, ayaw kong makakuha ng atensiyon. Buti naman sana kung lahat sila maniniwala sa akin?

PLAY>S4

 DKB-5

          2 to 3 months after nung umiwas ako kay Tito Ranil, bigla na lang silang naghiwalay ni Mommy na walang drama. Then the following year, may ibang lalaki nanaman si Mommy. Si Tito Manuel who owns a big house in La Vista, that’s also in Quezon City pero medyo malayo sa condo. Nung medyo magtagal sila ni Mommy, kinausap nila kami na aalis na kami ng condo at titira na kami sa bahay ni Tito Manuel pero for the first time since umalis si Daddy ay nagsalita ako kay Mommy, ng pagtutol. Sinabi ko na hindi ako sasama. Mommy said;

          “Maiiwan ka dito?” Hindi ko siya sinagot kasi, style ko yun kahit noong bata pa ako. Sasabihin ko lang  kung anong gusto o ayaw ko pero hindi ako makikipagdebate dahil ayokong matalo. Ako, basta sinabi ko kung anong ayaw ko, yun na yun. Hindi na mababago, at alam kong alam na ni Mommy yun kaya ang nangyari, hindi kami lumipat lahat sa bahay ni Tito Manuel. Si Ate Sheila lang totally lumipat kasi malapit ang bahay ni Tito Manuel sa Maryknoll, na Miriam College na ngayon kung saan nag-aral si Ate Sheila ng college. Si Ate Sheil ay mas matanda sa akin ng 5 years kaya noong 15 ako ay 20 na siya.

          Nakikita ko na parang totoong mabait at disenteng tao si Tita Manuel kaya lang, natatakot akong maging close sa kaniya. Sumasama ako sa mga lakad nila, kami ni Amir pero, I don’t really get along so well with Tito Manuel. Si Amir, medyo close na siya noon kay Tito Manuel dahil kay Borj na anak ni Tito Manuel sa dati niyang asawa. Schoolmate ni Amir si Borj at pareho silang adik noon sa computer games.

>>> 

          April 2011 noong magpunta kami sa Santa Elena, Camarines Norte, birthplace ni Tito Manuel para mag-summer vacation. First time kong makaranas ng provincial life and I must admit na,  masaya at excited ako sa mga nakikita ko pero I know na, hindi nakikita sa mukha ko ang saya at excitement kasi, sanay na ako noon na mag-fake ng emotions ko.

          Malaki ang bahay ng parents ni Tito Manuel at sa katabing bahay nila na bahay ng kapatid niyang panganay ay may malaking Sari-Sari store kung saan ako nagpa-load noong araw na iyon. Uso pa ang Blackberry Phones noon at napansin ng babae ang hawak kong cellphone.

          “Wow, Blackberry!” Na-amazed siya. Siya si Toni...na naging kaibigan simula nung araw na yon.

>>> 

          Nagpa-load din siya that day at nagkakuhanan kami ng number. Masaya siyang kausap, makuwela at dahil sa kaniya ay na-enjoy ko ang bakasyon ko.

          Na-amazed din ako sa kaniya kasi that day na nagpaload siya ay sa kaniya pala yung motor na naka-park sa harap ng tindahan...at yun ang sinakyan niya kasi medyo malayo ang bahay nila.

          Dahil kay Toni, ang dami kong napuntahang lugar at naging kaibigan ko rin ang mga kaibigan niya, boys ang girls at maraming boys daw ang nagkakagusto sa akin pero sabi niya;

          “Huwag mong pansinin ang mga yan dahil may ipapakilala ako sayo na taga Maynila din. Guwapo at sobrang bait! Sa kanila ako titira kasi sa Manila ako mag-aaral....”

          “Sino yun?” Kunwari curious at interesado ako kasi, ramdam ko yung sincerity ni Toni na, ipakilala ako sa taong pinagkakatiwalaan niya talaga at iniwas pa nga ako sa mga boys sa kanila na pakiramdam niya siguro ay hindi karapat-dapat sa akin. Mataas ang respeto sa akin ni Toni, sobrang concern siya sa akin. Kapag nasa bahay nila ako, inaasikaso niya ako na parang espesyal na bisita.

          “Lino ang nickname niya. Guwapo, matalino, mabait. Kapag natuloy akong mag-aral sa Manila, dadalawin mo ako sa Marikina at nang makilala mo si Lino at mga kapatid niya. Mababait silang lahat Sandy, wala pa akong nakilalang mga tao sa buong buhay ko na kasing babait nila!”

PLAY>S5

 

DKB-6

          Bago ko ma-meet in person si Lino, alam ko na ang kuwento ng buhay nilang magkakapatid kasi, kahit hindi ako nagtatanong kay Toni noong nagbakasyon ako sa kanila ay panay ang kuwento niya tungkol kay Lino. Na-joke ko nga siya minsan noon eh;

          “Siguro crush mo yung Lino na yun!”

          “Ay hindi Sandy. Parang kapatid ko yun...at isa pa, hindi ako magugustuhan nun. Ikaw, sure ako mai-inlove siya sayo kapag nakita ka niya kasi, maganda ka at mabait ka rin naman diba?”

>>> 

          Sa Miriam College na rin ako nag-enroll. Ayoko lang ulit makapag-debate kay Mommy tungkol dun kasi, marami siyang friends sa Miriam. Isa pa, ayokong makisuyo sa kaniya para samahan akong mag-enroll sa kung saan ko man gusto. Sa Miriam kasi, si Ate Sheila na lang ang kasama ko kasi doon siya graduate. Yes, noong First year college ako, graduate na si Ate Sheila. Sabay kaming nag-graduate noong 2011, HS ako, College siya. Kasama ko pa rin si Aliyah sa Miriam, same course kami...at noong ko nare-realize kung bakit gusto akong kaibigan ni Aliyah, kasi, halos pareho kami ng ugali at mga gusto. Pareho kaming boring.

          Imagine this, while ang mga kabataan noon ay napaka-vibrant ang mga buhay, kami ni Aliyah, school-bahay at pareho kaming na-hook sa Games of Thrones series noon sa HBO. Wala kaming eksenang pinapalagpas at kapag nagkita kami kinabukasan sa school, yun pa rin ang topic namin.

          Nakakatawa na habang ang mga classmates namin ay napapangiti na ng mga crush or boyfriends nila, ay nandun kami sa corner ni Aliyah at tungkol sa Westeros at Essos ang pinagkukuwentuhan namin.

          May pandak kaming kaklase noong First Year kami, tinatawag namin ni Aliyah ng Tyrion, yung midget sa Game of Thrones. Pandak pero punong-puno ng kayabangan.

>>> 

          Dalawang Lingo na since nagsimula ang classess noong mag-text si Toni. Malungkot siya kasi, hindi siya natuloy mag-aral sa Maynila. Nanganak kasi ang Tita niya kung saan siya nakikitira noon kaya napilitan siyang mag-enroll sa State College sa Santa Elena. Kumuha siya ng BSE.

          Walang Nanay at kapatid si Toni. Ang Papa niya ay OFW sa Saudi Arabia pero expired daw ang Working Permit kaya kung saan-saan lang nagtatrabaho ng illegal at hindi rin regular kung magpadala kay Toni.

          Masungit ang Tita niya pero pinagtitiisan niya kasi wala siyang choice at akala nga niya, makaalis na siya sa Tita niya noong First Year college sana pero hindi naman natuloy.

          Ang Papa ni Toni at Papa ni Lino ay dating bestfriends at magkasama rin sa trabaho sa Saudi pero namatay sa Saudi ang Papa ni Lino dahil sa aksidente sa trabaho. Pero nauna raw pumanaw ang Mama nila dahil sa sakit. Elementary pa lang daw si Lino noong maulila sila sa ina. Silang apat na magkakapatid. Third year HS naman siya noong madisgrasya ang Papa nila kaya, maaga silang nawalan ng magulang.

          May Ate rin silang kapatid lang nila sa ina. Si Ate Mia, siyam na taon ang tanda ni Ate Mia kay Lino. Si Lino naman ang panganay sa kanilang apat na tunay na magkakapatid.

          Si Ate Mia ay pumanaw din noong 2017 dahil sa panganganak. Isinilang niya si Angelo or Gelo at ito ay naiwan kina Lino at ng mga nakababatang kapatid niya...dahil si Kuya Romy na asawa ni Ate Mia ay nagkasakit naman sa pagiisip dahil sa pagkawala ng pinakamamahal niyang asawang si Ate Mia.

>>> 

          Noong maikuwento sa akin ni Toni ang tungkol sa pagkawala ng mga mahal sa buhay ni Lino, parang nadurog ako...at napahanga kay Lino kahit hindi ko pa siya kilala noon. Naisip ko rin ang kay tagal kong sinintir na problema ko, yung pagiwan sa amin ng Daddy namin at walang-wala ito kumpara sa sitwasyon nina Lino.

          Si Daddy kasi, bumalik lang sa Iran. Samantalang ang mga magulang nina Lino maging ang panganay nilang kapatid ay mga pumanaw.

PLAY>S6

DKB-7

          Noong Second Year college na ako, First Semester sa wakas ay natuloy na si Toni na mag-aral sa Marikina at doon nga siya tumira kina Lino at gaya ng usapan namin ay dadalawin ko sila para makilala ko si Lino at mga kapatid niya.

          Kasama ko si Aliyah noong magpunta kami. Text and call lang kami ni Toni hanggang sa matunton nga namin ni Aliyah ang bahay nina Lino sa Goldenmile Subdivision sa Marikina. Malapit lang ito sa Marikina Polytecnic College kung saan parehong nag-aaral sina Lino at Toni, maging si Ela na kapatid ni Lino. Yung dalawa pang nakababatang kapatid ni Lino, sina Cherry at Lodi ay mga HS pa lang noong makilala ko sila in 2012.

          Lumang bungalow ang bahay nila. May dalawang punong kahoy sa harapan, yung isa Ylang-Ylang. Meron ding puno ng puti na Santan malapit sa porch nila.

Pagpasok mo sa salas nila, agad mong mapapansin ang malaking rebulto ni Mother Mary sa pagitan ng dalawang pinto ng mga kuwarto. May fresh sampaguitang naka-kuwintas doon at nakasindi ang de kuryenteng maliliit na bumbilya na hugis kandila.

Noon pa lang ay nahulaan ko na na, relihiyoso sila at tama si Toni, napakababait nina Lino at mga kapatid nila. Ang maingay lang sa kanila noon ay bunsong si Lodi, siya ang laging nagpapatawa.

          Nung dumating kami ay nasa kabila sina Ate Mia, Lino at Ela. Naglilinis sila sa nabakanteng apartment na pagmamayari nila. Limang pintong apartment yun na siyang naiwan ng parents nila at siyang nagiisang source of income nila.

          Noong 2012 ay dalaga pa si Ate Mia pero engaged na siya kay Kuya Romy na nagta-trabaho sa Coca Cola sa Sumulong Highway. That day ay nakilala ko din si Kuya Romy at napakabait din. Alam mo yung lambing niya sa mga kapatid ni Lino, para siyang Tatay nila...at si Lino, guwapo talaga ang mukha pero napakasimple niya. Kapag weekend at naroon lang siya sa bahay nila, kung ano lang ang maisuot niya. Madalas ang t-shirt niya’y luma na may butas kasi, pambahay lang naman daw. Wala kang makikitang yabang o arrogance sa pagkatao ni Lino. Ang lambing ng boses, actually halos lahat sila malambing magsalita, maliban lang talaga kay Lodi na mataas lagi ang boses at laging nakatawa.

>>> 

          Si Toni naman, parang kapamilya talaga nila. Si Toni ang laging nagluluto kasi sanay talaga siyang magluto. Pero sa lahat ng trabaho, tulong-tulong sila. Kuya Bono, mapapabilib ka talaga sa kanila. Kahit wala silang magulang, buong-buo sila at nagkakaisa...kaya naman, hindi ko na maitatanggi na napahanga talaga ako sa kanila at kay bilis nahulog ang loob ko kay Lino.

PLAY>S7

 

DKB-8

          Mula July 2012 hanggang September ng taon ding iyon Kuya Bono, tuwing weekend, nagpupunta ako kina Lino, kahit kung minsan ay hindi ko kasama si Aliyah. Ang dahilan ng pagpunta ko doon ay dahil, ang sarap nilang ka-bonding at siyempre, dahil gusto kong makita si Lino. 3 months na tuwing Sabado naroon ako pero, may isang gabi ng Biyernes na bigla na lang akong natauhan. In love na ako kay Lino. Malalim na ang paghanga ko para sa kaniya pero, siya ay hindi ko makitaan ng senyales gusto ako. Naisip kong huwag munang magpunta kinabukasan na araw ng Sabado. Nag-stay lang ako sa bahay, nanood ng TV sa kuwarto ko maghapon kahit na parang napapaso ang puwet ko at ang mga paa ko’y gustong humakbang magbiyahe papunta kina Lino. Nilabanan ko ang udyok ng damdamin ko, hanggang sa nagtext si Ela, nakababatang kapatid ni Lino.

          “Hi Ate Sandy. Hinihintay ka namin....”

>>> 

          Nagdahilan ako, nagsinungaling.

          “Hindi muna ako makakapunta Ela. Marami kasi akong homeworks. Kumusta kayo diyan?”

          “OK naman kami Ate. Nagluto kasi si Kuya Lino ng Spaghetti, sabi niya, ipagtira ka namin...”

          Napangiti ako sa text na yun ni Ela. Gusto ko pa sana siyang tanungin kung may nasasabi si Lino tungkol sa akin pero hindi ko ginawa dahil baka makahalata sila. Yes, Manila girl din ako kagaya ng Ate Sheila ko pero hindi ako kasing-liberated niya. Masaya pa rin ako dahil naisip pala ako ni Lino.

          Nung araw na iyon, dahil sa napaka-positive na feelings ko ay muntikan ko pang makabati si Mommy. Noong lumabas kasi ako ng room ko para uminom ng tubig, nadaanan ko sila ni Amira sa Living Room. Masaya sila;

          “Sandy, join us....” nakatawang sabi ni Mommy sa akin at sa totoo lang, muntikan na akong tumabi sa kaniya pero kaagad ko ring naisip na, may galit pala ako sa kaniya dahil kahit ilang taon na ang nakalipas ay hindi pa rin siya nagpapaliwanag kung bakit sila naghiwalay ni Daddy. Hindi ako sumali sa kanila. Dumeretso ako ng kusina, uminom ng tubig at bumalik din sa room ko na walang lingon sa kanila noong madaanan ko sila ng Living Room.

          But if I’d be honest sa sarili ko, siguro that time ay kagaya na rin ako ni Amir na, nakapagpatawad na kay Mommy at naka-move on na sa pagiwan sa amin ni Daddy...pero mas pinili ko pa ring pairalin ang pride ko at naggalit-galitan pa rin ako kay Mommy.

          Pero sa totoo lang, while nagma-mature ako noon ay napapahanga ako kay Mommy kasi kahit wala na si Daddy ay nagagawa niyang  itaguyod kaming mga anak niya. She’s a very competent businesswoman. Alam kong noong maghiwalay sila ni Daddy at pumasok sa buhay niya si Tito Ranil ay dalawa sa business partner niya ang kumalas sa kaniya for moral reasons. Naiwang magisa si Mommy sa pagtataguyod ng mga businesses na naiwan sa kaniya and during those times, alam kong down siya financially pero muling nakabangon noong maghiwalay na sila ni Tito Ranil. Bago pa niya makilala si Tito Manuel, OK na ulit si Mommy pero alam kong malaki din ang naitulong ni Tito Manuel para lalo pang lumago ang mga negosyo ni Mommy.

          Yes, I was aware of all those issues sa buhay ni Mommy kahit hindi kami naguusap. At kahit noong mga panahong down siya ay hindi naman nabawasan ang perang pumapasok sa account naming magkakapatid monthly.

          Kaya naman kahit noong mga panahong nasusuklam ako kay Mommy ay napapahanga ako sa galing niya. Ang masakit lang talaga noon, dahil sa sobrang galing niya ay tila no big deal sa kaniya ang pagiwan sa amin ni Daddy. Tuloy ay naging broken family kami, at kami ni Amir ang sobrang nasaktan.

PLAY>S8

DKB-9

          Three months na hindi ako nagpakita kina Lino pero, lagi ko silang naiisip, lalo na si Lino. Mahal na mahal ko na siya noon kaya nagkaroon ako ng takot na mas lalo pang lumalim ang pagibig ko sa ka kaniya at ayaw kong makita ang sarili ko na sobra nang nagpapakadesperada kaya ako pa ang nagpupunta sa kanila.

          Hindi dahil sa may kaya kami at sila ay simple lang kaya ako nagkaroon ng ego. Hindi ako tumitingin sa estado ng buhay. Ang tinitingnan ko ay ang katotohanang babae ako, Filipina na hindi kagaya ng Ate Sheila ko kaya dapat, hindi ako desperada sa isang lalaki.

          Pero isang araw ng Sabado, kumatok si Mommy sa kuwarto ko and she said;

          “May bisita ka. Toni and Lino....” Deretso ang titig ni Mommy sa mga mata ko pero nagawa kong itago ang pagkagulat ko. Pasimple akong nag-ayos ng sarili ko bago ko sila pinuntahan sa ante-room. Maliit na Living Room yun na siyang ubang bubungad pagbukas ng maindoor na malapit lang sa elavator. Pagkatapos ng ate-room ay pinto ulit na papasok naman sa main living room.

          Sa Ante Room ay may floor ceiling na salamin na bintana at nadatnan ko ang ang dalawa na tila natatakot habang nakatanaw sa ibaba kahit na, nasa 8th floor lang naman ako.

          “Nakakalula!” Narinig kong sabi ni Toni kasabay ng pagbukas ko ng pinto. Napalingon na sila sa akin...pero, hindi ko sinadyang huwag tumingin kay Lino...kahit na yun ang gusto ng puso ko, ang matitigan siya.

         

          Mabuti na lang ay kaagad inabot sa akin ni Toni ang pasalubong niyang Happilo. Tatlong garapon yun ng Mixed Nuts na imported.

          “Umuwi si Papa, sayang hindi mo siya na-meet...” Balita niya. Hindi ako nakasagot dahil parang hindi ko kayang magsinungaling na nakaharap si Lino.

          Bumukas ang pinto ng Main Living Room. Si Mommy, at nasa likod niya si Amir.

          “Ba’t di kayo pumasok dito....” Nakangiting sabi ni Mommy. Halos sabay na tumayo sina Toni at Lino kasabay ng kanilang pagbati kay Mommy.

          “Ah Mommy ko. My, Lino and Toni....” Simpleng pakilala ko.

          “Pasok kayo,..anak, ayain mo sila dito sa loob....”

>>> 

          Na-touch ako sa salitang ‘anak’ na kay tagal kong hindi narinig mula kay Mommy dahil matagal kong pagiwas sa kaniya. Pero hindi pa rin kami lumipat sa Living Room dahil magpapa-dental cleaning pa daw si Toni. Hindi ko sila pinigilan noong magpaalam sila. Hindi dahil sa ayaw ko silang mag-stay pa kundi, hindi talaga ako kumportableng kaharap si Lino.

>>> 

          Nilagay ko sa pantry ang dalawang Happilo, dinala ko sa kuwarto ko yung isa then, nag-beep ang cellphone ko. Agad kong binasa. Text mula kay Lino.

          “I missed you!”

>>> 

          Gusto kong replayan yun kasi ayaw kong isipin niyang hindi ko siya namimiss pero, hindi ko talaga alam kung anong irereply ko. Alangan namang I Missed You Too? Or OK.

          Hindi ako nag-reply pero hindi ako napakali ng isang oras. Hawak ko ang cellphone ko the whole time habang ngumunguya ng masarap na Mixed Nuts, lalo na ang paborito kong Cashew Nuts at Pistachio...nang magring ang phone ko. Si Lino...at hinayaan kong magring ng limang beses ko bago ko sinagot.

          “Busy ka yata. Hindi ka nagrereply....” Ito ang una kong narinig sa kaniya. Tahimik ang paligid niya.

          “Nasaan ka?” tanong ko.

          “Dito sa labas ng waiting area ng Dental office....nakasalang si Toni....”

          “Ang tahimik naman diyan....’

          “Kulob eh, pero ang lakas ng aircon. Nilalamig nga ako...ang lamig, kasing lamig mo na yata sa amin....”

          Natinag ako sa salitang yun ni Lino. Hindi siya palabirong tao kaya inisip kong patama yun sa akin.

          “Sandy, anong nangyari? Bakit...bigla kang nanlamig sa amin? May hindi ka ba nagustuhan sa amin maliban sa pagiging mahirap at magulo namin sa bahay?”

          “Lino, hindi ganon....”

          “Sandy. Alam kong may dahilan ka. Pakisabi mo nga para hindi kami nagtataka....” Naisip ko ang mga kapatid niya na talagang lahat ay naging madikit sa akin at noon ako parang kinurot ng konsensiya ko kasi parang bigla ko din silang iniwan o iniwasan.

          “Kahit ano pang dahilan yan Sandy, sabihin mo lang, mauunawaan ko...basta, totoo sana....”

>>> 

          Alam kong narinig niya ang pagbuntong-hininga ko.

          “See, that sigh....I know It means something. Please say it Sandy....”

          Hindi ko lubos na naunawaan ang pagbalong ng luha ko noong handa na akong magsalita.

          “Lino. Pangit eh. Pangit na sa akin pa manggagaling ito pero sige, kesa naman nagtataka kayo kung bakit bigla na lang akong hindi nagpupunta sa inyo....kasi Lino, ayaw kitang makita....”

>>> 

          “Kaya pala kanina, ni hindi mo ako sinulyapan...pero, bakit Sandy? Anong nagawa ko para magalit ka sa akin?”

          “Wala, hindi ako galit sayo. Kabaliktaran ng galit ang nararamdaman ko sayo and I thought, hindi tama na ma-fall ako sayo kasi....

          “Napo-fall ka sa akin Sandy? Are you sure na pareho tayo ng nararamdaman para sa isa’t-isa?”

>>> 

          “May damdamin ka rin for me Lino?”

          “Matagal na Sandy, noon pang una kitang makita pero noong makila kitang mabuti, alam kong alangan ako sa’yo dahil sa estado ng buhay namin....kaya nagpasimple lang ako. Kahit na sa bawat araw na nasa amin ka, gustong-gusto kitang masolo para masabi sayo ang feelings ko pero, natatakot ako na baka...hindi mo magustuhan at hindi ka bumalik....pero hindi pa rin bumalik kahit wala pa akong sinsabi tungkol sa feelings ko....”

          “I don’t care about estado ng buhay Lino. I care about estado ng puso....”

          “I love you Sandy....pero hindi mo maiaalis sa akin ang mag-alangan...”

          “I Love you too Lino. Period na. Walang nang pero pero...”

          “I love you more Sandy at hindi lang ako ang nagmamahal sayo kundi buong pamilya ko. Mahal na mahal ka namin.....”

PLAY>S9

DKB-10

          There is where our Love Started and I was lucky kasi, iba ang relationship namin kumpara sa iba. Para lang kaming magkaibigan na nandiyan para sa isa’t-isa pero, hindi kami nagiging intimate masyado. He holds my hand, he kisses me sa pisngi. Yes, sa pisngi lang. Niyayakap din niya ako at niyakap ko din siya ng sobrang higpit noong pumanaw si Ate Mia kasi, ayon sa kanila, parang mas masakit ang pagkawala ng Ate nila kesa pagkawala ng parents nila...kasi, kasisilang lang nito kay Gelo noon. Pumanaw si Ate Mia dahil sa panganganak, that’s in 2017.

          Electronics Engineer na noon si Lino, na-take one kasi niya ang board exam noong 2014 at kaagad namang nakapagtrabaho sa Amkor sa Muntinlupa.

          Ako naman ay nagma-manage lang noon ng bagong Japan Surplus business ni Mommy sa Marikina. Dalawang taon na rin akong graduate noon. Naranasan ko namang ma-employ sa isang kumpaniya pero hindi ko na-enjoy. Nag-resign ako hanggang sa sinabi ni Mommy na magi-expand ang isang business niya at ako na lang ang hahawak. Pumayag ako kasi that time, medyo OK na kami ni Mommy. Medyo lang kasi, hindi pa niya nasasagot ang mga tanong ko tungkol kay Daddy.

>>> 

          But again, naka-attach na ng sobra ang buhay ko sa pamilya ni Lino kaya, yung mga pinagdaanan nila ay yung hinarap pa nilang pagsubok noong mawala si Ate Mia ay na-compare ko sa sinisintir kong pagiwan sa amin ni Daddy which is, sobrang futile kumpara sa dinaranas ng boyfriend ko at mga kapatid niya.

          First time ko siyang makitang umiyak noon, may tunog ang iyak niya na parang sobrang nahihirapan siya. Naka-kimkim ang mga kamao niya na para bang galit at nagtatanong sa Diyos kung bakit nanaman nawalan sila ng minahal eh, napakabuti naman nilang mga anak.

          Niyakap ko siya habang umiiyak din ako. Iyon ang unang  yakap ko kay Lino, yung ako talaga ang yumakap...pero hindi niya ako niyakap kasi pakiramdam ko, walang pagibig sa puso niya noon dahil napupuno ito ng lungkot at sama ng loob.

PLAY>S10

DKB-11

          Nag-resign si Lino sa trabaho niya kasi, walang mag-aalaga kay Gelo. Si Ela kasi ay nasa Dubai noon at hindi nga siya napayagan ng emgployer niya na umuwi noong mawala si Ate Mia.

          Sina Cherry at Lodi naman ay nag-aaral pa at si Kuya Romy ay nagkasakit sa isip at ang pagpapadala sa kaniya ni Lino sa Mental Hospital ay sobra ding iniyakan ni Lino kasi, hindi niya matanggap na nasiraan ng bait ang napakabait niyang bayaw na walang ni isang kamag-anak sa Maynila.

          Taga Abra si Kuya Mario pero mga pinsan lang niyang hindi naman daw niya ka-close ang mga nasa Abra. Ulilang lubos na siya at wala siyang kapatid. Kaya nga naging napakabait nito kina Lino kasi, talagang nagkaroon siya ng pamilyang maituturing simula noong maging sila ni Ate Mia.

>>>  

          Sobrang nakakalungkot yun Kuya Bono at labis din akong nagtataka noon kung bakit sila nadudusa ng ganon eh napakabubuting tao nila.

          I’m sorry pero, like I said, hindi ako palasimba, hindi ako relihiyosa kaya, mas nagiging doubtful ako noon kung totoo ba talagang may Diyos, kasi kung meron...bakit hinayaan niyang sapitin ng mga mabubuting anak niya ang ganon? Sina Lino, lahat sila, every Sunday nagsisimba so why? Bakit kailangan nilang madusa ng ganon?

PLAY>S11

DKB-12

          Isang araw na, dinalaw ko si Lino sa bahay nila. Naglilinis siya sa bahay habang tulog si Gelo, napansin ko ang malaking rebulto ni Mama Mary sa pagitan ng kuwarto nina Idol at Cherry. Tabi kasi ng salas ang dalawang kuwartong iyon.

          Agad humalik sa pisngi ko si Lino. Ako naman ay dumeretso sa kusina upang ayusin sa pantry ang binili kong grocery items, at isalin sa mangkok ang lutong ulam na binili ko din sa restaurant sa tapat ng Japan Surplus na mina-manage ko.

          Pagkasalin ko ng ulam sa mangkok ay bumalik ako kay Lino sa salas, nakaupo na siya noon pero hawak pa rin ang pang-agiw.

          “Yung...si Mama Mary...” Bakit wala na dito? Tanong ko.

          “Nabasag ko eh....”  

          “Kelan?”

          “Kahapon pa....”

          “Nasaan na ngayon? Hindi na ba puwedeng ayusin?” tanong ko pero hindi kaagad siya sumagot at noong magsalita;

          “Mahal,...iniisip kong...magshift sa ibang religion. Gusto kong...pumasok sa...Islam....” Hindi ako sumagot kaagad. Marahan akogn umupo sa tabi niya.

          “Mahal, diba...muslim ang father mo?” tanong ulit niya.

          “Yes. Iranian siya eh....”

          “Anong klaseng muslim siya? Shia o Sunni?” Napatitig ako kay Lino noon kasi, noon ko lang narinig ang mga words na iyon at noon ko lang nalaman na, may mga klase pala ng muslim.

          “Hindi ko alam eh. Bakit may mga klase pa ba ng muslim? Basta ang alam ko, muslim siya....”

          “OK...” Sagot niya pero nakatitig ako sa kaniya at nagtataka.

          “Nagbasa ka na yata tungkol sa Muslim. Mahal, huwag mong sabihin na...sinadya mong basagin yung rebulto....”       

          “Hindi. Ang totoo, hawak si Gelo noong nilalagyan ko ng garland si Mama Mary, kaso parang na outbalance ako at natakot ako kasi karga ko si baby kaya yung kamay ko na naglalagay ng garland, ihahawak ko din sana kay baby pero nahatak ng kamay ko yung garland kaya natumba ang rebulto, bumagsak diyan at nawasak....

          ...gawa lang sa chalk...”

          “Kaya naisipan mo nang mag-muslim?”

          “Hindi. Noong Second Year ako, may naka-klase akong muslim na taga Chad, Africa at...noon pa lang naunawaan ko na kung bakit nag-Muslim si Papa...”

          “Muslim ang Papa mo?”

          “Oo. Noong namatay siya, hindi na siya inuwi dito. Doon na siya sa Saudi inilibing....Shia Muslim siya...”

          “So, desidido ka nang mag-muslim....” Hindi siya sumagot Kuya Bono pero kinabukasan lang ng tanghali noong bago ako maglunch sa office ko ay tinawagan ko siya at ang sabi niya’y nasa Singkamas daw siya. Isang street yun sa Marikina kung saan naroon ang Grand Islamic Mosque ng Marikina.

           Nagtuloy siya Kuya Bono at ang nakapagtataka, kasama niya si Toni. At ang dahilan daw ni Toni ay dahil muslim din ang Papa niya, sabay noon ang Papa ni Lino at Papa ni Toni na umanib sa Islam noon sa Saudi. Noon ay nagta-trabaho na bilang HS Teacher si Toni sa San Mateo, Rizal. Doon na rin siya nakatira pero kung bakit nagkasundo sila ni Lino na na umanib sa Islam at kalaunan, maging sina Lodi at Cherry na rin. Sa kanilang magkakapatid, si Ela lang ang hindi nila nakumbinsi kasi nasa Middle East din ito dahil ang kaniyang boyfriend ay isang solid na Iglesia Ni Cristo.

          Hinintay ko noon na tanungin din nila ako kung gusto kong magpa-convert din, pero ang nahintay ko ay ang salitang ito mula kay Lino noong isang araw na tumawag siya. Mahigit isang buwan na silang muslim noon.

          “Ano kaya kung, mag-break na lang tayo....”

          >>>

          Hindi ako makapaniwalang narinig ko yun mula sa boyfriend ko.

          “Bakit?” naitanong ko naman.

          “Ahmmm. Tingin ko, deserve mo ng mas tamang lalaki Sandy...” Masakit sa akin na pangalan ko na ang itinawag niya sa akin. Hindi na yung tawagan naming mahal.

          “Bakit mo naisip na, hindi na ikaw ang tamang lalaki para sa akin. Dahil ba muslim ka na? Puwede naman akong magpa-convert. Lino, gagawin ko naman lahat para sayo. Hinihintay ko lang naman na isama niyo rin ako....”

          “Hindi yun Sandy. Ano ba ako ngayon? Yayo ng pamangkin ko. Taong-bahay ako....”

          “Wala naman akong pakealam kung ano ka. Mahal kita Lino....”

          “Sandy, huwag puro puso. Alam kong mahal mo ako pero hindi sapat yan. Trust me, makakatagpo ka ng milya-milyang mas higit sa akin.....”

          Noon ay napaluha na ako at ang dahilan ng pagluha ko ay dahil sa katotohanang, gusto na niya akong ipamigay sa iba. Masakit yun at mali kung ipagpipilitan ko pa ang sarili ko. Besides, may isang bagay tungkol sa akin ang hindi pa niya alam. Yung pagkamolesiya sa akin noon ng Tito Ranil. Yun Kuya Bono ay naaalala ko kapag nakakadama ako ng awa sa sarili ko, lalo na kapag may napapadama sa akin ng rejection.

PLAY>S12

DKB-13

          Dumaan ang maraming taon Kuya Bono. Tuluyan nang nawalan ako ng ugnayan kina Lino. Yes I know, may kinalaman ang pride ko sa pagkakasara ng relasyon ko sa kanila. Uso na rin ang facebook noon at friends ko silang lahat and trust me, hindi ako nangblock sa kanila. Sila ang nangblock sa akin.

          Hindi ko na inalam ang dahilan at hindi ko na rin inisip pa pero, hula ka lang ay dahil sa religion na nila at malamang dahil din kay Toni.

>>> 

          Sa Santa Elena pa lang noong una kong makilala si Toni, ramdam ko na na gusto niya si Lino. Hindi naman siguro kasalanan kung iisipin kong kaya siya nag-Muslim din ay dahil iyon na ang religion ni Lino.

          At ako din Kuya Bono ay Muslim na dito sa Asghabat, Turkmenistan. May asawa at dalawang anak na rin ako...at nakapunta ako dito, dahil sa Daddy ko.

PLAY>S13

 

DKB-14

          Noong unang Lingo ng breakup namin ni Lino noong March 2018, naging bahagi ng drama ko sa buhay ang pang-aaway kay Mommy at noon niya napilitang ipaliwanag sa akin kung bakit sila naghiwalay ni Daddy. Religion din...at iyon pala ay kay tagal nilang tahimik na pinagtatalunan.

          Natatandaan ko, sobrang dalang naming makasamang kumain si Daddy sa bahay. Akala ko noon dahil lang sa maaga siyang umaalis para pumasok sa trabaho at gabi na umuuwi kaya hindi namin siya nakakasalo. Maliban doon ay marami pang gustong baguhin si Daddy pero dahil matatag si Mommy, hindi siya nagpasakop...pero inamin sa akin ni Mommy na, niloko niya si Daddy noong hindi pa sila kasal dahil sinabi daw ni Mommy na aanib din siya sa Islam bago sila ikasal, pero ang nangyari, sa Huwes lang sila ikinasal dahil lang sa pinagbubuntis na ako ni Mommy noon.

          Naunawaan ko si Mommy kung bakit kay tagal niyang inilihim iyon sa amin pero, lalo lang inilayo ang loob ko sa kaniya kasi, lumabas ang katotohanang kasalanan niya at niloko niya ang Daddy ko.

          Tanggap ko na, mali ang dahilan ko noon kung bakit ako nag-muslim na din kaagad sa Quezon City pa lang noon, pagrerebelde lang kay Mommy.

          Noon, para kong nararanasan ang mga pinagdaanan ni Daddy sa napakahabang panahon na magkakasama kami pero hindi siya kumakain kasama namin kasi, ako din noon, sa mga halal restauranta ko kumakain. Nakakarating pa ako dati sa Payatas para lang makatikim ng ibang luto ng halal. Naroon kasi ang Islamic Center kung saan ko na kinuha ang Certificate of Conversion ko. That time ay nakakapagdrive na akong mag-isa...at naging matapang lang talaga ako noon para magsolong magmaneho noong pinagdadaanan ko pa ang heartbreak ng paghihiwalay namin ni Lino.

          Like, ang dami kong kinatatakutan dati na bigla kong kinaya noong pakiramdam ko’y wala nang dahilan para matakot pa ako sa kahit ano.

          Naging istrikto at masungit din ako noon sa shop, lalo na kapag oras ng salah, dapat walang maingay. Kung kailangang isarado ang shop ipapasara ko para lang makapag-salah ako ng maayos.

          Pinanood lang ako nina Mommy at Amir sa mga ginawa ko sa buhay ko noon, lalo na ang pagdadamit ko...at dahil sa pagiging Muslim ko na, lalo akong nalayo sa mga lalaki.

>>> 

          Until one day, kinausap ko si Mommy kung may mga documents siya ni Daddy na may nakalagay na address niya sa Iran.

          “What are you planning to do this time, Sandira?” matapang niyang tanong.

          “I will find my Dad in Iran....”

PLAY>S14

DKB-15

          October 2019 noong puntahan ko si Daddy. Natagpuan ko naman ang mga kamaganak niya, kapatid sa Tabriz pero nandito pala sila ng pamilya niya sa Abhu Dhabi. Tinawagan nila si Daddy noon at umiyak si Daddy noon, oras mismo ay nagdasal daw dahil siya makapaniwalang may isa siyang Pilipinong anak na nag-abalang hanapin siya.

          Three days din ako sa Tabriz bago ako nag-flight papunta dito. Nahirapan ako sa Tabriz dahil sa langguage barrier. May mga pinsan akong babae na hindi kasi nakapag-aral kaya hindi kami nagkakaintindihan.

          Dito sa Abu Dhabi ay walang naging problema dahil College professor ang step mother ko at nag-aaral sa international schools ang kambal na half brothers ko. Mas magaling pa silang mag-english sa akin...at ang ku-cute nila.

>>> 

          38 days ako dito noon at noong una, masaya naman pero noong magtagal ay naboring na rin ako. halos wala na akong ginagawa kaya’t nabaling ako sa Social Media. Gumawa ako ng bagong account ko gamit ang Muslim name ko at ang profile picture ko ay naka-abaya.

          Hinanap ko si Lino sa facebook at natagpuan ko naman. Napanganga pa ako noong mabasa ko ang Work niya, Etisalat Ajman. Ginoogle ko pa, at hindi ako mapaniwalang nasa iisang bansa pala kami. Medyo magkalayo nga lang dahil nasa Abu Dhabi ako while siya ay nasa Ajman, lagpas pa yun ng Dubai at Sharjah.

          Inadd ko siya at wala pang limang minuto ay nag-notification ang facebook ko. Naconfirm na ni Lino ang friend request ko at may message pa siya.

          “Hi Sandy. Ikaw ba talaga yan? Bakit iba ang pangalan mo at, totoo bang nandito ka rin sa UAE?” Nireplayan ko siya ng;

          “Yes Lino, dito ko nahanap ang Daddy ko....”

PLAY>S15

DKB-16

          Kinabukasan nun, Friday ay pinuntahan ako ni Lino. May sairli din siyang kotse noon. Ipinikilala ko siya kina Papa at kaagad niyang naka-vibes ang mga little brothers kong sabik na sabik magka-Kuya.

>>> 

          Nakipagpalit pa si Lino noon ng day-off para lang maihatid niya ako sa airport noong time na, kailangan ko munang bumalik diyan sa Pinas kasi kasal ng Ate Ela ko. Nag-for good na sila ni Kuya Mark noon sa Pinas.

>>> 

          Noong time na iyon na, hinatid ako ni Lino sa airport dito sa Abu Dhabi, hindi pa kami ulit kasi, 9 days pa lang since magkatagpuan kami sa facebook.

          Pero dahil napaaga kami ng dating sa airport ay nagkaroon pa kami ng time na magusap, and he started by saying;

          “Sandy, puwede ba tayong mag-take two sa...naging relasyon natin noon?” Tiningnan ko siya sa mga mata niya. Well, noong pinuntahan niya ako dito kinabukasan matapos kaming magkita sa facebook, nakapagkuwentuhan na rin kami tungkol sa mga personal naming buhay and...nalaman kong wala pa siyang asawa at hindi naman naging sila ni Toni though, nalaman niyang mahal siya ni Toni pero maayos daw niyang kinausap si Toni na ang pagmamahal na kaya niyang ibigay kay Toni ay pagmamahal ng isang kapatid.

          Ako naman, since naging muslim ako, wala namang nalink na lalaki sa akin so,...ang sagot ko kay Lino noon ay;

          “Yes Lino. Subukan ulit natin....”

PLAY>S16

DKB-17

          Nakabalik din kaagad ako dito, mahigit isang buwan lang matapos ang kasal ni Ate Ela. Si Daddy ang sponsor ko kasi, mataas na rin ang posisyon niya sa Hedge Abu Dhabi. 5 months bago ako nakahanap ng maayos na trabaho dito pero ngayon ay naka-maternity leave ulit ako dahil in two months ay isisilang ko na ang pangalawang baby namin ni Lino.

>>> 

          Dito na rin kami nagpakasal. Dito rin kami nagre-rent ng apartment sa tabi ng Villa nina Daddy. Tuwing Thursday lang kasi ng gabi nakakauwi dito si Lino then babalik din ng Ajman madaling araw ng Sabado.

          Noong isilang ko ang panganay namin, isang taon din akong natambay kasi, nagalaga ako ng anak. Pero noong 1 year old na siya ay iniiwan ko na lang siya sa Nursing Home dito, mostly mga kabayan naman ang nagaalaga...at ganon ulit ang mangyayari pagkatapos kong manganak.

>>> 

          Sa mga Muslim na isinilang, mauunawaan ko kung iba-bash niya ako dahil sa reason ng pag-convert ko noon. Pero sana makita niyo rin kung paano ako dinala ni Allah sa sitwasyon ko ngayon. I was blessed and there is no question about that.

          Simula din noong maging muslim na sina Lino, naging OK na ang buhay nila. Lahat na sila ngayon ay may maayos na trabaho, may asawa na rin si Cherry at si Idol na lang nakatira sa bahay nila sa Marikina.

          Si Toni, doon na nakapagasawa sa Rizal. Katoliko ang napangasawa niya kaya tumalikod lang din siya sa Islam.

          Wala akong hangarin na maging kuwento ito ng religion kasi, kahit hindi ako relihiyosa noong kabataan ko ay nirerespeto lahat ng tao maging ano man ang kanilang relihiyon. It’s only that I found my real happiness ang completeness dahil sa pagpasok ko sa Islam.

          Hanggang dito na lang Kaabang at maraming salamat sa pagbabasa,

          Gumagalang at nagpapasalamat,

Sandy

 

 

         

 

 

Comments

Popular posts from this blog

The Story of Lindon | KnBK Story